"Gusto ko pong mag-artista kasi po masaya po ako sa ginagawa ko. Tapos po, kapag po kasi wala akong taping, nagkakasakit po ako. Inuubo ako.  Tapos, sinisipon, naglalagnat," says Angeli Nicole Sanoy.

Photo: Noel Orsal

Nakilala ang child actress na si Angeli Nicole Sanoy bilang si Jik-jik sa defunct fantaserye na Grazilda. Pero simula sa Lunes, February 28, makikilala naman siya bilang si Cookie, ang pangalan ng character na gagampanan niya sa bagong primetime series ng GMA-7, ang Magic Palayok.

Ten years old pa lang si Angeli, pero buong-buo na ang loob niya sa pag-aartista.

Kuwento niya, nagsimula siya noong three years old pa lamang siya bilang pa-extra-extra sa ilang shows ng ABS-CBN, tulad ng Maalaala Mo Kaya.

"Naggi-guest po ako sa MMK po, tapos sa 7, meron din po. Extra-extra lang po ako noong three years old, tapos five years old po, nag-stop po ako.  Kasi, nag-aral po muna ako. 

"Sabi ko po noong nine years old ako, sabi ko, 'Mommy, gusto kong mag-artista ulit. Gustung-gusto ko po talagang maging artista.' Tapos, sabi ko, 'Masaya po kasi ako sa ginagawa ko.'

"Yun, umiiyak po ako. Naawa sa akin si Mommy at saka si Lola. Tapos sabi ni Mommy, kasi ayaw raw niya, school muna. Umiyak po ako hanggang sa pinayagan niya ako. Tapos, yun po, tuloy-tuloy na," kuwento ni Angeli.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Nicole sa grand launch ng Magic Palayok noong Martes, February 22, sa Studio 7 ng GMA Studios.

Ang pagiging young Marian Rivera sa Darna ang naging daan ni Angeli para makilala sa showbiz.

BEST BIRTHDAY GIFT. Noong February 15 nag-celebrate ng kanyang 10th birthday si Angeli. Ang pagkakaroon daw niya ng show na siya ang lead star ang best birthday gift na natanggap niya, bukod pa sa indie movie niyang Patikul.

Bakit ba gusto niyang mag-artista?

"Gusto ko pong mag-artista kasi po masaya po ako sa ginagawa ko. Tapos po, kapag po kasi wala akong taping, nagkakasakit po ako. Inuubo ako.  Tapos, sinisipon, naglalagnat," sagot niya.

Nag-aaral daw si Angeli sa Angelicum, pero nasa home study program siya.

Hindi na raw siya dumaan sa audition para sa kanyang role sa Magic Palayok.

"Tinawagan na lang po kami. Sabi po, 'Mommy, si Nicole na po talaga ang bida.' 'Po?!' Hindi pa rin po kami naniniwala. Tapos po, nag-storycon, doon pa lang din po namin nalaman. Tapos, noong pinagsalita kami isa-isa, naiyak ako. Hindi ko rin po akalain na maiiyak ako. Kaya sabi ko po, gagalingan ko na lang po."