Kinakabahan man, handa na raw si Kris Bernal na gampanan ang role ng isang babaeng magpapanggap na lalaki sa Pinoy version ng hit Koreanovela series na Coffee Prince. Sabi nga ng Kapuso young actress, “Ready na talaga ako na pagmukhain na lalaki kahit gupitan pa at paikliin yung buhok ko. Naisip ko nga, parang gusto ko talaga yung totoo. Para maramdaman ko talaga yung character ko."

Photo: Noel Orsal

Anytime soon ay magsisimula nang mag-taping sina Kris Bernal at Aljur Abrenica para sa Pinoy remake ng hit Korean romantic-comedy series na Coffee Prince

Pina-plug na sa GMA-7 ang tungkol dito kaya marami na rin ang nae-excite kung kailan ito mapapanood.

“Excited din ako,” nakangiting sabi ni Kris nang makakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa backstage ng Party Pilipinas noong Linggo, August 12.

“Pero napi-pressure ako sa role ko kasi bagong-bago. Ibang-iba para sa akin.”

Sa Coffee Prince ay gagampanan ni Kris ang isang babae na magkukunwaring lalaki para makapasok ng trabaho sa isang coffee shop.

Patuloy niya, “At dahil nga po nakikita ako lagi dati sa drama, kailangan ko talagang mag-workshop dito. 

“Dahil siguro mas magpapatawa ako sa mga tao kesa iiyak ako.

“Kaya kinakabahan ako, baka sabihin nila ang corny ko!”         

Habang hinihintay ang pagsisimula ng kanilang taping, todo-paghahanda na raw ang ginagawa niya ngayon.

Kuwento ni Kris, “Kami ng GMA Artist Center, pati ng network, bale may schedule na kami for viewing ng buong series.        

“Siyempre kailangan naming mapanood.”

Ipinalabas ang original version ng Coffee Prince, dubbed in Tagalog, sa GMA-7 noong 2008.

“Tapos this week din, gagawin na yung hair ko. So, iniisip pa kung gugupitan ako. 

“Iyon din ang magandang ano, e, pasabog do’n. Kasi gugupitan nila ako.”

KRIS AS A MAN. Kakaiba at malaking challenge talaga para kay Kris na magmukha, umasta, at magsalita na parang isang tunay na barako.