Hindi mababakante ng trabaho si TJ Trinidad ngayong patapos na ang Makapiling Kang Muli dahil kasama rin siya sa cast ng papalit na programa rito, ang Aso Ni San Roque. "Very happy, very blessed" daw ang pakiramdam ng aktor sa pangyayaring ito sa kanyang career.

Photo: Courtesy of GMA-7

DADDY TJ. Napangiti naman si TJ nang kumustahin ng PEP ang kanyang pagiging padre de pamilya.

Nagsilang na noong July 26, 2012 ang misis ng aktor na si Marga Valdes via caesarean section.

Five weeks old na ngayon ang baby boy nilang si Alonso Guillermo.

Ayon kay TJ, “The meaning, we checked the meaning of the name and it’s a good name. Mahaba yung meaning. 

“At noong ipinanganak siya, we had a few names that lined up and then, Alonso talaga yung bumagay sa kanya—Alonso Guillermo.”

Hindi pa raw masabi ni TJ kung sino sa kanila ni Marga ang mas kamukha ng anak.

“Hindi ko pa masabi, e, pero tisoy siya,” nakangiti niyang sambit.

Iba raw ang pakiramdam ng tatay na.

“The best! Uwing-uwi na nga ako.

“Pero I can’t... I'm just so happy and scared. Parang you don’t wanna fail as a father."

Hands-on din daw si TJ sa baby niya. Nagpapalit daw siya ng diaper, nag-aalaga, at kinakarga ang anak.

Sabi pa niya, “Siyempre, may takot noon na hawakan, nandoon yun. But it helps you to be more careful.”

Tinanong din namin si TJ kung kailan nila planong pabinyagan ang anak.

“Wala pa, e, we’re still waiting for relatives na nasa States. So, baka matagal-tagal pa.”