Nagulat daw si Jake Vargas nang makarating sa kanya ang balita tungkol sa mga isyung kinakaharap ngayon ng kanyang ka-loveteam na si Bea Binene. Kaya naman bilang suporta kay Bea, lagi niyang sinasabi rito na, “Kung gusto mo ko tawagan o i-text, magsabi ka sa akin, mag-share ka sa akin kung anong dapat kong gawin. Baka makatulong ako.”

Photo: Noel Orsal

Magiging abala muli si Jake Vargas ngayong nadagdagan ang kanyang mga proyekto.

Matapos kasi ang dalawang buwan na pamamahinga ni Jake mula sa paggawa ng mga teleserye, mapapanood muli siya sa kauna-unahang morning weekday drama series ng GMA-7 na Cielo de Angelina.

Dito’y muli niyang makakasama ang kanyang ka-loveteam na si Bea Binene.

Sa presscon ng Cielo de Angelina kahapon, October 17, sa 17th floor ng GMA Networ Center, sinabi ni Jake sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang entertainment press na masayang-masaya siya sa pagbabalik-tambalan nila ni Bea.

Akala raw kasi niya noong matapos ang Alice Bungisngis and Her Wonder Walis (2012) ay hindi na sila muling magkakasama.

Dagdag pa niya, “Matutuwa na ulit yung mga fans kasi makikita na nila ulit kami sa TV.

“Itong gagawin namin, heavy drama talaga ito and sa amin umiikot ang istorya.

“So gagawin namin talaga yung best namin.”

Bukod sa Cielo de Angelina ay napapanood din si Jake sa weekly sitcom na Pepito Manaloto, at sa weekly musical-variety shows na Party Pilipinas at Walang Tulugan With The Master Showman.



SUPPORTING BEA. Samantala, sa tagal nang magka-loveteam nina Jake at Bea ay talagang naging malapit na sila sa isa’t isa.

At ngayong mayroong pinagdadaanang isyu si Bea, hindi na nakapagtataka kung maapektuhan din si Jake.

Nito kasing mga nakaraang buwan ay naiugnay ang pangalan ni Bea sa radio jock na si Papa Dan, at sa abugadong si Atty. Ferdinand Topacio.

“Nagulat ako!” bulalas ni Jake nang tanungin ng PEP ang reaksyon niya matapos lumabas ang mga balitang ito tungkol kay Bea.

“Kasi, di ba, ang bata-bata ni Bea? Fourteen pa lang si Bea tapos may mga gano’ng isyu.

“Hindi naman bagay sa kanya yung mga gano’n.”

Bagamat mabigat ang pinagdadaanan ni Bea, hindi raw nagsasabi ito sa kanya.