Napanalunan ni Nora Aunor (kanan) ang kanyang ika-walong Best Actress trophy sa Metro Manila Film Festival para sa kanyang pagganap sa Thy Womb. Si Dingdong Dantes (kaliwa) naman ay nakuha ang kanyang ikalawang magkasunod na Best Actor trophy para sa kanyang pagganap sa One More Try.

Photo: Noel Orsal

Pinaghati-hatian ng tatlong pelikula ang karamihan ng mga tropeyong ipinamahagi sa Gabi ng Parangal ng 38th Metro Manila Film Festival na ginanap ngayong gabi, December 27, sa Meralco Theater, Pasig City.

Ang Thy Womb, El Presidente, at One More Try ang nakakuha ng pinakamaraming awards.

Ang One More Try ng Star Cinema ay nagwagi ng limang tropeyo; kabilang na ang Best Picture, Best Screenplay, at Best Actor para kay Dingdong Dantes.

Pitong tropeyo naman ang nakamit ng Thy Womb ng Center Stage Productions; kabilang na ang Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award, Best Director para kay Brillante Mendoza, at Best Actress para sa Superstar na si Nora Aunor.

Ang historical film na El Presidente ng Scenema Concept International, CMB Films at Viva Films ay nagwagi ng anim na awards; kabilang na ang 2nd Best Picture at Best Suporting Actor para kay Cesar Montano.

Dalawang tropeyo naman ang napanalunan ng Sisterakas ng Star Cinema at Viva Films, at isa ang napunta sa Shake Rattle & Roll 14 ng Regal Entertainment.

Walang nakuhang awards ang Si Agimat Si Enteng Kabisote at Si Ako, The Strangers, at Sosy Problems.



ACTING WINNERS. Napanalunan ni Nora Aunor ang kanyang ika-walong Best Actress trophy sa MMFF.

Tinalo ni Nora sa kategoryang ito sina Angel Locsin (One More Try), Angelica Panganiban (One More Try), Janice de Belen (Shake Rattle & Roll 14), at Judy Ann Santos (Si Agimat Si Enteng Kabisote at Si AKO).

Sa kanyang acceptance speech, sabi ng Superstar, “Kahit lima na lang manonood ng pelikula ko, patuloy pa rin akong gagawa ng makabuluhang pelikula.”

Balita kasing na-pullout na ang Thy Womb sa ilang sinehan dahil sa mahinang kita nito sa takilya.

Bago ang panalo niya ngayong gabi para sa Thy Womb, huling nanalo ang Superstar noong 1995 para sa kanyang pagganap sa Muling Umawit Ang Puso.


Ang nag-present ng Best Actress trophy sa MMFF this year ay si dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada.

Nagkaroon ng alitan noon sina Erap at Nora dahil sa pagsuporta ng Superstar kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo imbes na sa yumaong King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr.

Napanalunan naman ni Dingdong Dantes ang kanyang ikalawang sunod na MMFF Best Actor trophy. Ang Kapuso actor din ang nanalong Best Actor noong isang taon para sa role niya sa horror-suspense film na Segunda Mano.

Ang mahigpit na kalaban ni Dingdong sa Best Actor ay si Governor ER Ejercito para sa pagganap nito bilang si President Emilio Aguinaldo sa El Presidente.

Ang iba pa nilang mga nakalaban ay sina Herbert Bautista (Shake Rattle & Roll 14), Bembol Roco (Thy Womb), at Vice Ganda (Sisterakas).