Hindi nagustuhan ng mga miyembro ng ENPRESS ang "biro" ni Paulo Avelino bago mag-present ng award sa nakaraang 2013 Golden Screen TV Awards. Sabi kasi ng aktor, “Mahirap magtrabaho kung napilitan ka lang.”

Photo: Noel Orsal

Na-offend ang mga miyembro ng Entertainment Press Society (ENPRESS) kay Paulo Avelino nang magbitaw ang aktor ng linyang “Mahirap magtrabaho kung napilitan ka lang,” bago siya mag-present ng award sa nakaraang 2013 Golden Screen TV na ginanap sa Teatrino noong Biyernes ng gabi, March 1.

Kuwento ng ilang miyembro ng ENPRESS sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), pagkatapos manalo ni Paulo bilang Outstanding Supporting Actor in a Drama Program—kung saan naka-tie niya si Neil Ryan Sese—hiniling daw nilang mag-present ng award ang aktor sa bandang huli ng seremonya.

Tumanggi raw noong una si Paulo dahil kailangang magpaalam daw muna siya sa Star Magic at sa manager niyang si Leo Dominguez.

Ayon sa mga miyembro ENPRESS, madalian na ang lahat dahil kinulang na sila ng presenters kaya nakiusap sila sa aktor.

Kuwento naman ng manager ni Paulo na si Leo Dominguez sa PEP, kaagad naman siyang nag-okay nang magpaalam sa kanya ang handler ng aktor. Kaya natuloy rin ang pag-present ni Paulo na Outstanding Single Performance by an Actor and Actress.

Pero bago siya mag-present, sinabi ni Paulo sa entablado na, “Mahirap magtrabaho kung napilitan ka lang.”

Ikinagulat ito ng mga taga-ENPRESS at iba pang miyembro ng media na nandun.

Nakausap ng PEP si Jun Nardo, ang presidente ng ENPRESS at halatang galit pa rin ito sa inasal ni Paulo.

Ayon sa kanya, pagmimitingan ng buong board kung ano ang aksyon na gagawin nila laban sa aktor.



THE APOLOGY. Pero nagpadala na si Leo Dominguez ng statement sa PEP na humihingi ng paumanhin sa pagbibirong ginawa ni Paulo.

Ito ang nilalaman ng statement ni Leo:

“Paulo Avelino would like to apologize to the Enpress for the statement he made when he presented an award during the Golden Screen Awards. He was just trying to crack an innocent joke to lighten up the program, with no intention to offend anyone, most especially his frineds from the press. He now realizes the consequences of his statement and he would like to exhaust all means to reconcile with those he offended.”

Sa pakikipag-usap ng PEP kay Leo, sinabi nitong nagbibiro lang talaga si Paulo.

Aniya, “Kilala ko ‘yan, e. Pag nagbiro ‘yan, ang corny.

“Ang hilig niyang magbitaw ng biro na hindi naman nakakatawa.

“Lagi ko nga pinagsasabihan ‘yan, kasi hindi talaga nakakatawa pag magbiro siya.”