Isang pelikula tungkol sa katandaan ang gustong gawin ni Ricky Davao na tampok din ang mga artistang “matatanda.” Kuwento ni Ricky, “Binigyan ko ng script ang daddy ko, si Mang Dolphy, sana si Paquito Diaz, si Berting Labra, si Eddie Garcia... Si Eddie Garcia na lang ang buhay.”

Photo: Noel Orsal

Nag-iisang Filipino jury ang actor-director na si Ricky Davao sa kauna-unahang Asean International Film Festival & Awards (AIFFA) na gaganapin sa March 28 to 30, 2013 sa Kuching, Sarawak, Malaysia.

Lima silang magsisilbing jury sa AIFFA.

“Iba-ibang countries—Malaysia, Singapore, Myanmar, Indonesia, at Philippines,” umpisa ni Ricky nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng Forever sa De Ocampo Hospital sa Nagtahan, Manila.

Ang AIFFA ay kumpetisyon ng mga indie movies, feature, at short films mula sa iba’t ibang bansa sa Asya.

Ano ang mga entry ng Pilipinas sa AIFFA?

“Meron na, e, mga sampu yata ang sa atin. Hindi ko kabisado.”

Paano siya napiling jury, sino ang pumili sa kanya?

“Well, nagbigay siguro sila ng mga pangalan, tapos from there…”

Honored siyempre si Direk Ricky.

“Oo naman, tsaka Asean yun, e!

“Sabi ko nga, maganda ang pangyayaring ito kasi kung hindi natin ma-penetrate ang Hollywood ng as a solo country, baka as an Asean nation, di ba?"



NOMINATON. Alam niya na isinumite ang pangalan niya?

“Oo, sinabi naman. Tapos, siguro tiningnan nila yung mga ano... yung resumé naman, e, di ba?”

Ang grupo raw ng direktor na si Dante Nico Garcia ang nag-submit ng pangalan niya.

Si Direk Dante ang Philippine liaison officer ng AIFFA.

All-expenses paid ang biyahe ni Direk Ricky sa Malaysia.