Matapos ang ilang isyu na pinagdaanan ni Kathryn Bernardo nitong mga nakaraang linggo, mas pinili niyang makasama ang mga taong tunay na nagmamahal sa kanya sa post-birthday celebration niya.
Noong March 26 ang actual 17th birthday ni Kathryn, pero ginanap ang celebration noong Biyernes, April 5, sa bahay ng lolo niya sa Cainta, Rizal.
Bukod sa kanyang pamilya't mga kaibigan, inimbitahan din ng young actress ang ilan sa mga tagasuporta niya para maki-celebrate sa kanya.
Pero bago ito, nag-celebrate din si Kathryn ng kanyang birthday sa Subic, kasama ang ka-loveteam niyang si Daniel Padilla at ang close friend niyang si Miles Ocampo.
Ikinuwento ni Kathryn sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang nangyaring birthday celebration niya sa Subic.
“Pumunta kami ng [March] 25 hanggang 27.
“Tapos nung first day, parang bonding-bonding lang.
“Tapos nung 26, dun na kami nag-yacht. Parang nung afternoon, four hanggang seven p.m., nasa yacht kami.
“Tapos pumunta kami sa house na pinag-stay-an namin, tapos dun lang kami hanggang six a.m.—as in walang tulugan.”
Surprise ba ito ng kanyang Mommy Min sa kanya?
Sabi ni Kathryn, “Ako talaga yung nag-suggest kay Mama na gusto ko talaga may yacht.
“Tapos yung mga ini-invite, super-konti lang para matutukan ko lahat ng guests.
“Ako naman lahat, hindi naman siya surprise sa akin kasi nagsabi ako talaga kay Mama ng gusto kong gawin.”
MEET THE FRIENDS. Kasama rin sa mga naimbitahan ni Kathryn sa Subic ang ilang kaibigan ni Daniel at ang mga kabanda niya sa Parking 5.
Ito ba ang first time na nakasama ni Kathryn ang mga kaibigan ni Daniel?
“No naman, pero parang first time nila naka-bonding talaga.
“Si DJ [palayaw ni Kathryn], pati yung buong Parking 5 kasi dati, ‘Hi, hello!’ ganyan lang.
“Pero nung nag-Subic, as in naging close kami.
"Parang lumaki yung barkada, kasi maraming bago, ganyan.
"Tapos ayun, parang magkaka-age lang kami, so masaya siya talaga.”
KATHRYN'S BASHERS. Naging maugong ang usap-usapan tungkol sa pagpatol ng ina ni Kathryn sa isang basher ng young actress.
Sa isang interview ay sinabi ni Min Bernardo: “Naawa ako sa anak ko, e.
“Nakita ko na super-hirap nung pinagdadaanan ng anak ko to adjust, para maging isang normal na student, normal na tao, tapos makikita ko sa Twitter na binabastos.
“Okay na huwag niyo na ako igalang, yung anak ko na lang.”
Agad-agad namang hinarap ni Daniel Padilla ang bashers ni Kathryn at ipinagtanggol ito.
(CLICK HERE to read related article.)
Inamin ni Kathryn na sobra siyang na-touch sa pagtatanggol ni Daniel sa kanya.
Aniya, “Siyempre na-touch naman ako kay DJ kasi ipinagtatanggol niya ako sa lahat, ganyan.
“Pero kasi, pag ako lang, hindi ko rin pinapansin yung mga haters, kasi part yun, e.
“Hindi mo naman mapi-please lahat, e.”
Sinabi rin ni Kathryn na kahit apektado siya ay mas pinipili niyang isipin ang mga bagay na magpapasaya sa kanya.
“Siyempre nung start, naapektuhan ako.
“Ngayon pag mas pinansin mo sila, mas gusto nila yun, e.
“So, bakit kailangan ko silang pansinin?
“E, mas marami naman yung nagpapasaya sa ’yo, yung mga nagsu-support sa ’yo, di ba?
“So bakit mo ba-bad tripin yung sarili mo dahil sa isang basher or kung ilan man sila?”
Wala naman daw talagang balak si Kathryn na magpaapekto, pero nang idamay na ang kanyang Mommy Min ay labis na siyang naapektuhan dito.
“Yun lang, dun ako nainis na pati si Mama dyina-judge nila, ganyan.
“Pero sabi ko kay Mama, huwag na pansinin.
"Kawawa na lang sila, kasi... naawa ako sa kanila bakit sila ganun magsalita.
“Siguro hindi sila nakapag-aral masyado or bored na bored na ba sila sa buhay nila?
"Pero ewan ko, ayoko na lang sila patulan—kung bata man yun or matanda, di ba?
“Parang respeto na lang din sa mom ko huwag na nilang idamay.”
BALANCING ACTING AND STUDYING. Nakakatuwa na kahit busy ang schedule ni Kathryn ay nababalanse pa rin niya ang pag-aaral at pag-aartista.
Pagmamalaki niya, “Okay, i-congratulate niyo ako kasi tapos ko na ang Physics and yung sa Filipino ko, tapos ko na rin.
“So sa English, last exam ko na tomorrow, tapos matatapos ko na siya.
"So ang problema ko na lang is Social Studies and Math.
“Tinatapos ko talaga siya para bago mag-start yung show, ma-clear ko na siya, wala na akong problema—para mag-college na rin.
“Inaaraw-araw ko siya ngayon habang wala akong ginagawa.”
Ibinahagi rin ni Kathryn ang plano niyang kuning kurso pagdating ng kolehiyo.
Sabi niya, “Gusto ko talaga mag-CSB [College of Saint Benilde] kasi advertising gusto ko.
"Pero kung hindi na kakayanin ng schedule ko, kasi sinasabi rin nilang lahat na mahihirapan ako, parang mag-SOFA [School of Fashion and Arts] na lang ako or fashion design school, parang ganun.
"Para wala nang masayang na time.
"Pero ewan ko, mag-i-inquire pa lang siguro ako pag naayos ko na lahat.
“Basta ngayon, tinatapos ko na lang siya muna.”