Isa sa mga dumalo sa Million People March ngayong araw, August 26, sa Luneta Park ay ang comedienne-activist na si Mae Paner o mas kilala sa tawag na Juana Change. Dumating si Juana Change na naka-costume bilang isang baboy bilang panawagan na i-abolish na ang pork barrel. Nasa larawan din ang ABS-CBN newscaster na si Korina Sanchez na kinukober naman ang mga kaganapan sa Luneta.

Photo: Rommel Llanes
Sina Willie Revillame, Gloria Diaz, Jim Paredes, Arnell Ignacio, Rommel Padilla, Mae "Juana Change" Paner, ang mag-asawang Robin Padilla at Mariel Rodriguez, former Chief Justice Renato Corona, at Cardinal Luis Antonio Tagle ang ilan sa mga kilalang personalidad na namataan ngayong umaga, August 26, sa Million People March sa Luneta.
 
Pinagkaguluhan si Cardinal Tagle ng mga tao kaya nahirapan siya na maglakad papunta sa Quirino Grandstand. 
 
Dumaan sa aming harap si Cardinal Tagle, na dinumog ng mga taong nag-uunahan na humalik sa kanyang kamay at humingi ng blessing niya.
 
Matatandaan na napaluha noon si Cardinal Tagle sa isang interview dahil sa pagkakasangkot ng mga pari sa P10-billion pork barrel scam.
 
Ikinagulat naman ng mga rallyista ang pagdating ni Willie sa Quirino Grandstand.
 
Hindi nila inaasahan na makikiisa sa anti-pork barrel protest rally ang host ng Wowowillie, na nakasuot ng T-shirt na puti—ang kulay ng Million People March.
 
Sinabi ni Willie na dumalo siya sa rally bilang simpatiya sa mga mahihirap. Kabilang si Willie sa listahan ng mga artista na top taxpayers.
 
Sa panayam kay Willie, sinabi nito na panahon na para mabago ang sistema at mahiya na ang mga senador at kongresista na sangkot sa pork-barrel scandal.
 
Early birds sa Million People March sina Mariel at Robin. Tinawag ni Mariel na "araw ng mga bayani" ang anti-pork barrel rally na dinaluhan ng lahat ng mga Pilipino mula sa iba't ibang antas.
 
Sinalubong naman ng malakas na boo at mga sigaw na "epal" ang pagdating ni former Chief Justice Renato Corona sa Quirino Grandstand, at tinatayang umalis ito agad para makaiwas sa galit ng taumbayan.
 
Umalingawngaw sa Luneta Park ang sigaw ng mga tao na "Makibaka, huwag magbaboy!" at "Nakaw na yaman, ibalik sa bayan!" habang tumutugtog ang "Bayan Ko" ni Freddie Aguilar.
 
May kanya-kanyang grupo at programa ang mga nakiisa sa rally. 
 
Naging maputik ang lupa sa Quirino Grandstand dahil sa bahagyang pag-ambon, pero hindi natinag ang mga tao. Balewala sa mga pari at madre ang kanilang mga paang putikan. Sandals lamang ang kanilang suot.
 
Nagkalat din sa Quirino Grandstand at Luneta ang mga effigy ni President Noynoy Aquino na anyong baboy at ang mga tao na nakasuot ng maskara ng baboy bilang simbolo ng kanilang protesta para sa abolition ng pork barrel.
 
Sangkot diumano sa pork-barrel scam ang ilang actor-politicians gaya nina Senators Bong Revilla at Jinggoy Estrada.