Wanted at pinaghahanap na ng awtoridad sina Deniece Cornejo at Cedric Lee.
Ito ay matapos maipalabas ang warrant of arrest sa dalawa kaugnay ng kasong serious illegal detention na isinampa ni Vhong Navarro laban sa kanila.
Kaugnay pa rin ito sa pambubugbog ng grupo nina Deniece at Cedric sa actor-TV host noong January 22, 2014 sa Forbeswood Heights Condominium, Bonifacio Global City, Taguig.
Kasama sa hinainan ng non-bailable warrant of arrest ng Taguig Municipal Trial Court sina Simeon “Zimmer” Raz Jr., Ferdinand Guerrero, at Sajed “Jed” Fernandez Abuhijleh.
Ang dalawa pang mga akusado na sina Bernice Lee at Jose Paolo “JP” Calma ay hindi kasama sa ipinaaaresto ng korte.
Si Bernice ay kapatid ni Cedric.
Ayon sa ulat ng The Philippine STAR ngayong araw, April 23, inalerto na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lahat ng paliparan at mga daungan para hindi makatakas ng bansa sina Deniece at Cedric.
Pahayag pa ni NBI National Capital Region Director Atty. Efren Meneses, “We have alerted the ports in Manila, Davao, Cebu, as well as the international airports.”
Bago ito, nahainan din ng warrant of arrest sina Cedric, Deniece, at iba pang mga akusado sa grave coercion complaint naman na inihain ni Vhong.
JP CALMA, NO LONGER IN PH. Samantala, kinumpirma naman ng Department of Justice (DOJ) na nakaalis na ng bansa si JP Calma bago pa man nakapagpalabas ng warrant of arrest ang Taguig Municipal Trial Court.
Sa ulat ng ABS-CBN News, sinabi ni DOJ Secretary Leila de Lima na nagkaroon ng kalituhan ang Immigration sa “JP” sa pangalan ni Calma kaya nakaalis ito ng bansa.
Sinabi raw sa kanya ng mga opisyales ng Bureau of Immigration (BI) na ''John Paul Calma" at hindi "Jose Paolo Calma" ang nakalagay sa kanilang database na lookout bulletin order (LBO).
Pahayag ni Secretary De Lima, “'When I asked how come there was no advice when he was supposed to be part of the LBO, ang naka-register daw sa BI database was the name 'John Paul Calma.'
“Iba-iba rin kasi ang naging pangalan niyan, e.
"Sa caption ng kaso, iba ang nakalagay. Sa text ng resolution, iba ang nakalagay.
"Sa dispositive portion, I would not know kung ano ang nakalagay.
"I think yung passport niya is Jose Paolo Calma."
Hindi raw nila sigurado kung sa anong bansa nagtungo si JP, ngunit may mga ulat silang natanggap na sa Singapore ito nagpunta.
