GORGY RULA
Masayang ikinuwento ni Karl Medina sa programa namin sa DZRH nung Martes, November 29, 2022, na nasa mabuting kalagayan na ang kanyang amang si Pen Medina pagkatapos nitong dumaan sa spine operation.
"Doing much better siya. Actually, siya yung medyo pinipigilan namin masyadong maglilikot, kasi yung energy niya ganun pa rin, e.
"So, gusto niyang magalaw, gusto niyang maglakad-lakad. Maganda ang outcome ng operation.
"Ngayon kasi in-advice muna sa kanya, kasi iba ang working hours ng ano, e, ng pag-aartista, e. So, magpahinga muna siya," pahayag ni Karl.
Nagpu-promote si Karl ng pelikulang Kaluskos ng Viva Films, na showing na sa mga sinehan ngayong Miyerkules, November 30, 2022.
Ang laki ng pasasalamat ng mga anak ni Pen na naging successful ang operation, at mabuti raw nalaman na ring may bone infection pala ito. Kaya isa ito sa tini-treat sa kanilang ama.
Nami-miss na raw ni Pen ang mag-taping o mag-shooting, pero kailangan niyang sundin ang payo ng doktor na kailangan pa rin nitong magpahinga.
Mabuti at meron namang pinagkakaabalahan si Pen habang nagpapagaling pa ito.
"So, ngayon naka-concentrate siya sa painting. Iyon ang first love niya talaga, painting," sabi ni Karl.
Pinag-iisipan na raw nitong magkaroon ng one-man exhibit.
"Nagpaplano naman siya ng exhibit. Yung ngayon, preparation. So, tinatapos niya yung mga works niya. And hopefully, makapag-exhibit siya sometime next year," dagdag na kuwento ni Karl.
- Victor Medina gives update on father Pen's condition after spinal surgery
- Pen Medina to undergo spine surgery; his children appeal for donations
- Pen Medina: Bukod sa pagiging mahusay na aktor, isa ring pintor!
NOEL FERRER
Malaki ang nabago sa kanilang pamilya nang dumaan sa ganitong pagsubok ang kanilang ama. Mas lalo raw napaglapit ang pamilya.
Pahayag ni Karl, "Kami naman as family, before naman close kami. So, naano lang talaga… parang blessing in disguise siya.
"Kasi nung naaksidente si Dad… so kung hindi siya naoperahan, hindi nalamang meron siyang infection.
"I would say na mas nagkaroon kami ng stronger bond din."
JERRY OLEA
Ang dami raw tumulong sa kanila, at ang iba ay ayaw ipabanggit ang pangalan.
Magmula nang humingi sila ng tulong, ang dami raw nagpadala na hindi nila kilala.
"Siguro ang maipapayo ko lang sa mga tao na may pinagdadaanan na similar sa amin, keep the faith, believe, and kumbaga, put it out there. Put yourself out there.
"Huwag kang matakot humingi ng tulong, kasi meron at meron talagang tutulong. Lalo na dito sa Pilipinas, alam mo naman tayo na kahit pakonti-konti.
"Yun nga, may mga nagbibigay na hindi namin kilala, kahit 20 pesos, 50, 100 pesos... May pumapasok na ganun.
"Ang galing! Sobrang touching siya, kasi hindi talaga namin ini-expect yun. Sobrang nakaka-touch siya."
Balak ng ama ni Karl na mag-post sa social media account para pasalamatan ang mga tumulong sa kanyang pagpapagamot.
"Maglalabas kasi ng post si Dad na magpapasalamat siya dun sa pumayag publicly na mabanggit yung pangalan nila.
"Kasi ayaw nilang banggitin na yung ano na tumulong sila. Gusto nila yung anonymity.
"Sa amin kasi yung experience namin, nung humingi kami ng tulong, hindi rin namin ini-expect na ganun kadami yung tumulong. Kumbaga, suntok sa buwan siya."
